Sunday, April 12, 2015

aux 5



I was feeling sorry for myself. Naguguluhan ako hindi dahil sa hindi ko alam, kundi andami ko nang alam pero di ko pa rin alam ang dapat kong paniwalaan. Masaya ako'ng nalulungkot, na natatakot, na nagagalit. Sa sarili ko. Ba't di ko kayang panindigan ang talagang gusto ko? Ginusto ko ba talaga yun? Napasaya niya ba talaga ako? O sadyang distraction lang siya sa kalungkutan ko? Ang kawalan ba ng kalungkutan ay nangangahulugang maligaya ka nga? O tumatawa ka'ng kahit kaila'y di naman umabot sa mata?


Hindi ako bata. Di ako mangmang, at lalong di ako manhid. Siguro nga talaga'ng gusto ko siya. Masyado lang akong naduwag. Masyado lang nakuntento sa kaalamang nandyan lang naman sya. Nakikita ko at nakakasama. Di ko ginusto'ng lumayo pero yun yung nangyari. Sa pagkakaintindi niya, yun ang gusto kong mangyari. Yun nga ba talaga?


Ba't nga ba di ko siya nakayang tingnan sa mga mata? Pag nakakasalubong ko siya, di ko man lang mangitian, ni "hi" or "hello" wala siyang marinig sakin. Nalungkot ba siya nung lumayo ako? Akala kaya niya galit ako? Bakit nung sinubukan ko'ng salubungin siya sa mata, siya yung umiwas? Baka nasaktan ko siya. Kasi baka akala niya, kinalimutan ko na siya. Kung alam niya lang. Lilipas ang ilang dekada sa buhay ko, maaring magkagusto ng panibago, pero hindi na mawawala ang pangalan niya sa puso't alaala ko. Kung alam niya lang namimiss ko rin ang mga ngiti niya sakin. Ang simpleng apiran namin, o pag-akbay niya sakin, o pagpisil niya sa baba ko. Ang pabirong pagsigaw niya sa tenga ko na halos halikan na niya ang pisngi ko. Ang bigay niya'ng tsokolate na pinakamatamis na yata sa natikman ko. At ang mga paala-ala niyang nagbibigay ng pag-asa sa akin. Ang mga ngiting nagbibigay inspirasyon. Namimiss ko lahat yun. Hindi niya lang alam na gusto ko rin siyang ngitian at batiin. Na gusto ko rin siyang makakamustahan kahit sandali lang. Ang makakwentuhan ng kahit ano lang. Hindi niya lang alam... na mas nahihiya ako'ng ako ang unang magbigay ng ngiti. Na hinahabol ko siya ng tingin pag dumadaan siya sa tapat ko. Hindi niya lang alam.


Hindi ito kanta. Hindi rin ito liham ng pag-ibig. Isa lamang tong alaala. Ibabaon ko ang damdaming ito sa kailaliman ng aking puso. Kasabay ng mga ala-alang masakit ng balikan. At mas makakabuti kung tuluyan ng makakalimutan.

No comments:

Post a Comment